Bulok na appliances sa Quezon City kinokolekta para i-recycle

Kumikilos na ang mga komunidad para makabawas ng basura at mapangalagaan ang kapaligiran.

Katulad na lamang sa Barangay West Triangle sa Quezon City na nangongolekta ng mga sirang appliances gaya ng mga electrical at electronic equipment para ma-recycle.

Nabatid na inatasan ng barangay ang kanilang mga nasasakupan na dalhin ang kanilang sirang TV set, computer, laptop, cellphone at iba pang uri ng kasangkapan sa mga bisinidad ng barangay para madala sa tamang tapunan.

Matapos makolekta ang mga basura ay dadalhin ang mga ito sa Integrated Recycling Industries. Inc., government-accredited facility sa Laguna para sa tamang aksyon.

“We have embarked on this timely activity to assist our constituents in managing their e-wastes in a way that will not pollute our surroundings and endanger people’s health,” paliwanag ni Elmer Timothy Ligon, Chairperson, Barangay West Triangle.

Isinakatuparan ng nasabing barangay sa Quezon ang aktibidad katuwang ang Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB),Global Environment Facility (GEF) at United Nations Industrial Development Organization (UNIDO).

Nauna nang inilunsad ang kahalintulad na proyekto ng EcoWaste Coaltion sa Barangay 176 sa Bagong Silang, Caloocan City bilang pilot area ng bagong e-waste facility na susuporta sa pag-recycle ng electrical o electronic devices discards o e-waste .