“Kung seryoso talaga tayo sa mental health ng mga Pilipino, siguraduhin natin na may balik-ligtas na trabaho ang mga tao, may maiuuwi silang pagkain para sa kanilang pamilya araw-araw, at maging COVID-free ang lahat.”
Ito ang pahayag ni Senador Risa Hontiveros kaugnay sa pahayag ng gobyerno na ang Manila Bay white sand project ay may hatid na benepisyo sa mental health ng mga Pinoy.
Sinabi pa ni Honteviros na lalo ngayong Suicide Awareness Month na “we have to acknowledge the heavy toll this crisis is taking on Filipinos. The spike of suicides is of great concern.“
Kailangan aniyang tugunan ang babala ng WHO na ang susunod na pandemya pagkatapos ng COVID-19 ay magiging mental health-related.
Sana matulungan ng DOH ang ating mga LGU sa pag-implement ng mental health program sa ating mga barangay para sa ordinaryong Pilipino, at para sa ating mga frontliners na pumoprotekta sa atin ay kailangan din magpahinga at alagaan ang kanilang mental health, dagdag nito.
Kailangan aniya ng konkretong solusyon sa pagsugpo ng COVID-19 at klarong komunikasyon tungkol sa quarantine guidelines.
Maaalagaan ang mental health ng mamamayan kapag naipapatupad ng gobyerno ang mass testing, contact tracing, isolation and treatment lalo na para hindi natin kakailanganin bumalik sa malupit na lockdown.
Matutugunan din anya ang mental health ng mga Pilipino kapag panatag ang mga tao sa plano at aksyon nating nasa gobyerno.