Broadway star pinutulan ng paa sa coronavirus

Isang broadway star ang pinutulan ng paa dahil sa komplikasyong idinulot ng coronavirus.

Ang Canadian broadway actor at Tony Award nominee na si Nick Cordero ay pinutulan ng kanang paa dahil sa coronavirus complications, ayon sa Instagram video na ipinost ng kanyang asawang si Amanda Kloots.

Si Cordero, 41, ay nalagay sa intensive care unit sa loob ng 18 araw dahil sa coronavirus.

Ilang beses nanganib ang buhay ni Cordero matapos magkaroon ng impeksyon sa kanyang baga at tumaas nang husto ang kanyang lagnat.

Noong nakaraang linggo, nawalan pa ito ng pulso at na-revive lamang ng mga doktor.

Nang makontrol ang lagnat at impeksyon sa baga, nagkaroon naman ng clotting o pamumuo ng dugo sa right leg ng aktor.

“We got some difficult news yesterday,” ayon sa video post ni Kloots.

Ang blood thinners na ginamit para mabawasan ang clotting sa right leg ni Cordero ay nagdulot naman ng komplikasyon sa kanyang blood pressure at internal bleeding sa kanyang bituka.

Sa pinakahuling update ni Kloots, sinabi nitong naging matagumpay ang pag-amputate sa paa ng kanyang asawa.

”I got a phone call from the hospital saying that Nick made it out of surgery alive and he is headed to his room to rest and recover!” ayon kay Kloots.