BOC target collection nalampasan

Sa kabila ng nagaganap na pandemya, ipinagmalaki ng Bureau of Customs (BoC) na nalampasan nila ang tinatarget na kita o koleksyon na dalawang bilyong piso nitong nakalipas na April 2021.

Kasunod ito nang pagkakaroon ng ₱51.277-bilyon na koleksiyon na mas mataas sa projected income na ₱49.200-bilyon para sa buwan ng April 2021, o sobrang ₱2.077-B o +4.2%.

Kasama sa koleksyong ito ang karagdagang kinita mula sa Tax Expenditure Fund (TEF) na ₱121-milyon at Post Clearance Audit Group (PCAG) collection na ₱13.65-M para rin sa buwan ng Abril 2021. Batay sa paunang ulat ng BOC-Financial Service, 11 mula sa national 17 collection districts ang lumampas sa April 2021 collection target gaya ng Port of San Fernando, Port of Manila, Manila International Container Port, Port of Iloilo, Port of Tacloban, Port of Surigao, Port of Zamboanga, Port of Davao, Port of Subic, Port of Aparri, at Port of Limay.

Ayon kay BoC Commissioner Rey Leonardo Guerrero, mula noong Enero 2021, palaging nalalampasan ng ahensiya ang target collection nito. Sa ngayon ay umabot na sa P200.459-bilyon ang nakolekta ng bureau mula Enero hanggang Abril 2021, mas mataas na collection target na ₱183.174-B o pagkakaroon ng surplus na P17.285-bilyon o +9.4%.

Kasama sa naturang koleksiyon ang karagdagang kinita mula sa TEF na ₱219.34-milyon at ang PCAG collection na P300.59-milyon mula Enero hanggang Abril 2021. Kapansin-pansin din ani Guerrero ang quadrimester collection ngayong taon na mas mataas ng ₱20.720-bilyon o +11.5% kumpara noong 2020.

Kaugnay nito ay pinapurihan ni Guerrero ang mga tauhan at opisyal ng bureau na sa kabila ng panganib na dulot ng pandemya ay patuloy na nagsisikap at nagpapakita ng dedikasyon sa tungkulin.