Bistado! P.5M sa credit card ni Angelica Panganiban tinangkang isugal sa casino

BUKING ang modus ng isang babaeng nagtangkang gumamit ng credit card ng Kapamilya actres na si Angelica Panganiban.

Sa ulat ng National Bureau of Investigation (NBI) nakagamit na ang suspek na kinilalang si Agatha Reyes ng P5,000 mula sa credit card ni Panganiban.

Nabuking lamang na hindi kanya ang credit card nang magtangka itong gamitin ang P500,000 sa isang casino.

“We asked our artist to do a cartographic sketch, noong na-verify may nakuha tayong warrant of arrest. Noong nakausap natin siya (Reyes) inamin niyang siya ang gumamit ng card,” ani Ronald Aguto, hepe ng NBI- International Operations Division.

Base sa ginawang imbestigasyon ng NBI, ginamit ng suspek ang orihinal na card ni Panganiban, na ipina-renew umano sa hindi na pinangalanang bangko.

Dahil dito, may hinala ang NBI na inside job ang nangyari.

Maaari umanong ide-deliver dapat ng courier na kasabwat ng taga-bangko ang bagong credit card ng aktres.

“‘Yung card nakukua sa couriers, heto ‘yung mga renewal ng cards tapos nagagawan nila ng paraan para ma-activate ito. It appears na magkakasabwat but it’s hard to say, kung ano ang relationship ng courier sa bangko,” ayon sa NBI.

Ang suspek ay nahaharap ngayon sa kasong credit card fraud.