Bilyon pisong stimulus fund para sa manggagawa, suportado ng DOLE

Nagpahayag ng suporta ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mabilis na pag-apruba ng kongreso sa panukalang magbibigay ng bilyon pisong stimulus fund para sa mga manggagawa at lumikha ng mga trabaho upang manumbalik ang ekonomiya.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang pagkakapasa ng panukala para sa stimulus ay makatutulong sa pamahalaan upang magpaabot ng wage subsidy sa mga manggagawa at tulungan silang makabawi sa epekto ng global health pandemic.

Sa ilalim ng panukala, ang P155 bilyon ay ilalaan para sa wage subsidy at “cash for work” sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng the Department of Labor and Employment.

Ang mga pangunahing may akda ng panukala ay sina Albay Rep. Joey Salceda at Marikina Rep. Stella Quimbo.

Iminungkahi ng DOLE sa kongreso ang Barangay Emergency Employment Program (BEEP) para sa mga manggagawa sa turismo, transportasyon, trade and industry, at ang mga nagtatrabaho sa mga prayoridad na programa ng pamahalaan.

Sasaklawin rin nito ang mga freelancer at self-employed na indibidwal, at ang mga na-repatriate na OFW. Layon ng programa na matiyak ang pananatili ng kita at trabaho ng mga manggagawa sa pormal na sektor, at magbigay ng wage amelioration at iba pang unemployment benefit sa mga freelance at self-employed na manggagawa, kabilang ang mga napauwing OFW.

Suportado rin ng DOLE ang Covid-19 Unemployment Reduction Economic Stimulus (Cures) Act of 2020 na maglalaan ng pondo para sa mga proyektong tinatawag na ‘shovel-ready’ infrastructure.

Ang Cures Act of 2020, na panukala ni Deputy Speaker LRay F. Villafuerte Jr., 2nd District Representative of Camarines Sur, ay may layong magbigay ng economic stimulus package na titiyak sa pananatili ng trabaho at mas malakas na ekonomiya sa pamamagitan ng pamumuhunan sa public works, tulad ng mga ospital at iba pang health care facility, digital infrastructure para sa healthcare management at public education, agriculture, at road networks.