Sa inilaang karagdagang P65-milyon ni Labor Secretary Silvestre Bello III, mas maraming contact tracer ang maaaring kunin ng mga local government unit (LGU) sa National Capital Region para pigilan ang pagkalat ng Covid-19, ulat ng labor department noong Biyernes.
“Maaari nang palakasin ng lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng kani-kanilang Public Employment Service Offices (PESO), ang kanilang contact tracing gamit ang karagdagang pondo,” wika ni Labor Secretary Silvestre Bello III.
Sinabi ni Bello na ang karagdagang pondo ay mula sa programa ng DOLE na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD).
Ang TUPAD ay isang cash-for-work program ng DOLE na naglalayong tulungan ang mga manggagawa sa informal sector na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya.
Una nang inilipat ng DOLE ang programa para sa contact tracing ng mga LGU. Nitong Abril 22, 2021, umabot na sa mahigit 10,000 aplikasyon sa contact tracing ang natanggap ng LGU ayon sa Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC).
“Ipapaabot ng Labor Department ang lahat ng kinakailangang tulong ng LGU na maaari nitong ibigay para palakasin ang ating gawain laban sa pandemya,” ani Bello.
“Sa gawaing ito, umaasa ako na maipapahatid natin ang mensahe ng kahalagahan ng pagtutulungan para tapusin ang pandemya at maipagpatuloy ang pagbangon ng bansa,” dagdag niya.
Tinugunan ng DOLE, sa pamamagitan ng programang TUPAD, ang suliranin sa pondo ng LGU para sa kanilang contact tracing program.
“Dahil may problema ang DILG para pondohan ang contact tracing ng mga LGU, naisip ko na nararapat lamang na ialok ang programang TUPAD para sa layuning ito. Sa ganitong paraan, hindi lamang tayo nakapagbibigay ng agarang trabaho sa ating mga manggagawang nawalan ng hanapbuhay, nakatulong din tayo na tugunan ang pangangailangan ng komunidad para pigilan ang pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng contact tracing,” aniya.