Batangas pinarangalan ang ship captain na pumalag sa paninita ng Chinese sa WPS

Ginawaran ng pagkilala ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang kanilang kababayan na nagpamalas ng kabayanihan sa harap ng mga dayuhan.

Kinilala ang Batangueño na ginawaran ng ‘exemplary courage’ of seasoned seaman si Manolo Ebora na nanawagan sa gobyerno na ipagtanggol ang karapatan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea.

Ipinagkaloob ang pagkilala kay Ebora na kapitan ng isang international oil tanker na pumalag sa mga nanitang Chinese vessels sa Panatag Shoal noong September 30.

Kumalat sa social media ang video kung saan nangyari ang komprontasyon ni Ebora sa mga nanitang mga tauhan ng isang international vessel sa Panatag Shoal.

Nagpasalamat naman si Ebora sa iginawad na pagkilala ng pamahalaang lungsod.

Ibinahagi rin ng kapitan ng barko ang pangyayari na nag-udyok sa kanyang pumalag sa paninita ng mga Chinese.

“Nung time po nung insidente, dadalawampu’t dalawa po kaming Pilipino doon. Nangyari ‘yon siguro dahil sa bugso ng damdamin dahil nakita mo na ‘yung isla mo ay napapalibutan na ng ibang nasyon, na dapat ay para sa atin,” salaysay ni Ebora sa harap ng mga kababayan.

Ipinagmalaki rin ni Ebora na kahit kailan sa loob ng 15 taon ay hindi niya kailanman inilagay sa panganib ang buhay ng kanyang mga tauhan.