Pinangunahan ni Batangas City Mayor Beverley Dimacuha at 16 recipients ng Department of Energy (DOE) E-trikes Project noong November ang paglagda sa Memorandum of Agreement para sa partnership livelihood project ng Department of Energy (DOE) at Batangas City government na ginanap City Mayor’s Office (CMO).
Ito ang unang batch ng recipients na nag-qualify sa mga itinakdang guidelines ng DOE, batay sa pagsusuring isinagawa ng Transportation Development and Regulatory Office (TDRO).
Ilan sa mga requirements ng DOE ay ang pagiging lehitimong miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA), walang anumang police record, o pending traffic violation record, may garahe at may kakayanang mag mentena ng e-trikes.
Nakasaad sa MOA na ang mga recipients ay magbibigay ng P150.00 daily contribution sa pamahalaang lungsod sa loob ng limang taon para maging pag-aari nila ang sasakyan.
Pumapatak sa halagang P400,000.00 plus ang isang unit kumpara sa P600,000.00 plus kung bibilhin ang sasakyan sa labas.
Sa computation ng halagang babayaran, anim na araw lamang sa isang linggo ang babayaran upang maging magaan ito sa recipient.
Ayon sa recipient na si Myrna Panaligan, napakagandang prebiliheyo para sa kanila na makasama sa proyektong ito.”
Napakagaan ng terms and conditions, para lang sa condo na rent-to-own, kapareho din sa boundary pero hindi naman magiging iyo ang unit,” paliwanag niya.
Kabilang sa mga beneficiaries ang mga drivers na bumibyaheng SM City Batangas patungong sa mga karatig barangay, at mga may rutang G-1 at G-2.
Inaasahang maipagkakaloob ang mga e-trikes sa susunod na linggo matapos iproseso ang MOA at iba pang dokumento at pagkatapos na muling isagawa ang orientation/briefing ng mga beneficiaries. (Batangas City PIO)