Baryang P20, bagong mukha ng P5 inilabas na ng BSP

New 20 pesosPormal nang inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang bagong P20 barya at binagong mukha ng P5.

Ang baryang P20 at bagong hitsura ng P5 ay kabilang sa mga inilabas sa ilalim ng BSP New Generation Currency (NGC) Coin Series.

 

Ang paggamit sa baryang P20 na siya ngayong pinakamalaking barya sa NGC coin series na inilunsad noong 2018 ay mas cost efficient dahil mas mahaba ang buhay nito kumpara sa P20 banknote.

Base sa pag-aaral sa University of the Philippines (UP) ang P20 banknote ay ang pinakamadalas gamiting pera bilang pambayad sa buong bansa.

Dahil dito, mabilis itong maluma at ibinabalik sa BSP para palitan.

Ang bagong P20 coin ay magkoko-exist bilang legal tender ng kasalukuyang P20 banknote na kalaunan ay aalisin na.

Makikita sa hitsura ng bagong P20 na barya ang mga dating elemento ng P20 banknote kung saan ay makikita ang bayaning si Manuel L. Quezon, ang unang presidente ng Philippine Commonwealth na nagpasimula ng adoption ng pambansang salita, lumikha sa National Economic Council at kumilos para sa Philippine Independence.

Nasa kabilang bahagi ng barya ang logo ng BSP at Malakanyang, ang official residence ni dating Pangulong Manuel L. Quezon na unang umukopa sa Palasyo.

Makikita rin sa barya ang native flora, na nagtatampok sa Nilad ang halaman kung saan nanggalling ang pangalang Manila.