Saklaw na rin ang buong Luzon sa ipinatutupad na enhanced community quarantine para mapigil ang paglaganap ng coronavirus.
Ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon epektibo ngayong araw.
Ang anunsyo ay ginawa ng Pangulo kahapon sa national television.
Bilang bahagi ng direktiba ay hindi na maaring lumabas ng bahay ang mga naninirahan sa Luzon kung walang importanteng gagawin.
Kabilang sa maari lamang pahintulutang lumabas ay mga bibili lamang ng pagkain at gamot.
Magiging “work from home” na rin ang trabaho sa mga pampubliko at pribadong sektor.
“Work in public and private sector will be limited to a work from home arrangement,” bahagi ng pahayag ng Presidente sa televised coronavirus address.
“Lahat tayo magbigay ng kanya-kanyang gift to the government and that is by obeying the law, obeying the regulations. Everyone will stay home, leaving their houses only to buy food, medicine and other things necessary for survival,” giit pa nito.
Ang pagdedeklara ng enhanced community quarantine ay ginawa isang araw matapos na ideklara ang community quarantine sa National Capital Region nitong Marso 15.