Baligtarin! Robin Padilla todo puri na sa ABS-CBN

Robin Padilla Carlo KatigbakMatapos ang sunud-sunod na atake sa ABS-CBN ng aktor na si Robin Padilla ay bigla itong pumihit kahapon.

Sa pamamagitan ng Facebook ay nagpahayag ng papuri si Padilla sa Presidente ng ABS-CBN na si G. Carlo Katigbak na personal na humingi ng paumanhin kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“We are sorry if we offended the President. That was not the intention of the network. We felt that we were just abiding by regulations that surround the airing of political ads,” paliwanag ni Katigbak sa pagdinig ng Senado tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN.

Dahil sa nasabing pahayag ay pinuri ni Robin ang ABS-CBN president at CEO sa ginawang paghingi ng paumanhin kaugnay sa kontrobersiyal na political advertisement noong 2016.

Ani Padilla na minsang naging talent ng ABS-CBN na sa wakas ay umamin sa pagkakamali si Katigbak dahil tunay umanong black propaganda ang inilabas ng mga ito laban sa Pangulo.

“Ako naman ay nagpapasalamat una sa Panginoong Dios at umabot sa pagpapakumbaba si Sir Carlo Katigbak ng abs-cbn dahil sa dami ng depensa ng mga opisyal ng abs-cbn isa lang muna po ang dapat umamin sa pagkakamali dahil tunay na black propaganda ang inilabas nila laban kay Rodrigo Duterte kaya’t isang awit ng mga anghel sa pandinig ko ang marinig na mag-public apology ang president at CEO ng ABS-CBN,” saad ni Robin sa kanyang Facebook post.

Ang krisis na pinagdadaanan ngayon ng ABS-CBN ay may kaugnayan sa hindi naere na political advertisement ni Duterte nang tumakbo siya sa pagka-pangulo noong 2016 sa kabila na bayad naman ito.

Sa halip ay nagpalabas ang TV network ng negatibong patalastas laban sa kanya na mula umano kay dating Senador Antonio Trillanes IV.