Atong Ang sa Barretto sisters: Itago ang baho n’yo!

Umapela ang businessman na si Charlie “Atong” Ang sa magkakapatid na Barretto na itigil na ang kanilang bangayan.

“ Sa inyong mga Barretto, since naging parang family ko kayo, nilalahat ko na kayo:

Namatay na ‘yung tatay niyo.

Ngayon, nag-iisa na ang nanay niyo.

Magtulong-tulong na lang kayo, magbigay kayo ng pera, buhayin niyo, pilitin niyong maka-survive ang nanay niyo,”pahayag ni Ang sa panayam ni Noli de Castro sa TV Patrol ng ABS-CBN ngayong gabi.

“Kaming magkakapatid, hindi kami magkakasundo, pero hindi kami naggaganiyanan.,” dagdag nito.

Sinabi pa ni Atong sa magkakapatid na pabayaang lumabas ang nanay nila sa isang side.

“Huwag kayo magsiraan. Kung ako kayo, magkabati-bati na kayo. Tutal, ang media naman natutuwa lang pag nagkakagulo kayo, e.

Anyway, nakakatulong naman kayo, nagkakaroon ng libangan ang mga tao. Kung gusto niyo ituloy ‘yan, mga artista naman kayo, ituloy niyo.

Pero suggestion ko lang, tigilan niyo na,” payo pa nito.

Pinaalalahanan din ni Marjorie na itigil na ang hidwaan dahil nadadamay na ang kanilang mga anak.

“Nabababoy ‘yung mga anak… Tingnan mo, ikaw Marjorie, nasisira tuloy ‘yung mga anak mo. May career pa naman ‘yung anak mo. Itago niyo na ‘yung mga ganiyan, nasisira, e,” sabi pa ni Ang patungkol sa aktres na anak nitong si Julia.

“Hindi naman kayo sisikat, Marjorie o Gretchen, kung mag-aaway kayo. Pareho naman kayong hindi na nag-aartista. Stop na ‘yan. Alagaan niyo na lang ‘yung family niyo,” hirit pa ni Atong.

Nagsalita si Atong matapos itong idamay sa gulo ng mga Barretto.