April Boy ‘Di ko kayang tanggapin’ singer pumanaw na

Sumakabilang –buhay na ang OPM icon na si April Boy Regino.

Ang masamang balita sa mga tagahanga ng OPM icon ay kinumpirma ngayong umaga, Nobyembre 29 sa Facebook ng kapatid nitong si Vingo.

Si April Boy o Dennis Regino Magdaraog sa totoong buhay ay pumanaw sa edad na 51.

Sumikat si April Boy noong ‘90s dahil sa mga patok na kanta gaya ng “Di Ko Kayang Tanggapin,” “Paano Ang Puso Ko”, at “Umiiyak Ang Puso.”

Si April Boy ay nakilala rin sa istilong pamimigay ng cap sa kanyang mga tagahanga habang nagpi-perform.

Na-diagnose ang singer ng prostate cancer noong 2011 at diabetes naman noong 2015 na nagresulta ng kanyang pagkabulag.