Nag-umpisa nang tumanggap ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ng mga aplikasyon para sa cash assistance na laan para sa mga Overseas Filipino Workers o OFWs noong nakaraang ika-13 ng Abril.
Sa ilalim ng programang “DOLE-AKAP for OFWs,” mapagkakalooban ng tulong pinansyal mula sa Department of Labor and Employment o DOLE na nagkakahalagang USD200 o P10,000 ang mga displaced Land-based and Sea-based Filipino workers dahil sa banta ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon sa DOLE Department Order No. 212, S. of 2020, kasama sa mga maaaring makatanggap ng cash assistance ang mga sumusunod:
(1) Regular o Documented OFW batay sa 2016 Revised Philippine Overseas Employment Administration o POEA Rules and Regulations;
(2) Kwalipikadong Undocumented OFW; at
(3) Balik-Manggagawa na hindi nakabalik sa bansang pinagtratrabahuhan o host country dahil ito ay sumailalim sa lockdown dulot ng banta ng COVID-19.
Maaaring makakuha ng benepisyo mula sa DOLE-AKAP ang mga nakaranas ng job displacement o nawalan ng trabaho dahil sa pagpapatupad ng host country nito ng lockdown o community quarantine o kaya naman ay naimpeksyon ng naturang sakit.
Ganundin ang mga OFW na nasa overseas jobsites pa, nasa Pilipinas bilang Balik-Manggagawa, o kaya naman mga repatriated o napabalik sa Pilipinas.
Dapat rin ay hindi pa nakatatanggap ng anumang pinansyal na suporta mula sa bansang pinagtrabahuhan nito o employer.
Ang mga OFW na na-repatriate o kaya naman ay mga Balik-Manggagawa ay pinapayuhan na mag-file ng online application sa dole-akap.owwa.gov.ph at i-upload ang kopya ng Passport at Travel Document, kopya ng flight ticket o boarding pass na patunay sa pagbalik sa PIlipinas o kaya naman ay arrival stamp o sticker sa passport, Proof of Oversease Employment, at iba pang mahahalagang dokumento na hinihingi sa naturang website.
Ang mga OWWA Regional Office ang siyang magsasagawa ng validation at evaluation ng mga aplikasyon na mayroong kumpletong documentary requirements at siya ring magdedesisyon kung ang aplikasyon ay aprubado o hindi.
Para sa mga aprubadong aplikasyon, ang mga dokumento ay dapat maisumite sa DOLE Regional Office para sa funding na ipagkakaloob sa pamamagitan ng money transfer o PESO Net sa loob ng limang araw.
Ang mga On-Site na OFWs naman ay pinapayuhang makipag-ugnayan sa pinakamalapit na POLO sa kanilang bansang destinasyon upang makasama sa programa.
Source: Joy Gabrido, Philippine Information Agency, April 15, 2020