Angkas app, solusyon sa trapiko

Ang sabi nga, mas marami eh mas masaya. Kaya pausod muna mga taga-Grab at nandito na ang Angkas Biker para maging kaagapay ninyo sa pagsakay sa mga pasaherong hilong-talilong na sa paghahanap ng masasakyan patungo sa kanilang destinasyon.

Nandito na ang mga Angkas Biker na tatapat sa mga pa-importante at pasaway na taxi driver na isasakay ka lang tuwing hora-de-peligro kung papayag ka sa binabraso nilang kontratang bayad.

Heto na ang mga Angkas Biker para tulungan ang mga pasahero na buwis-buhay sa pakikipagitgitan sa mga jeep at bus gayundin sa ubod sikip na biyaheng MRT at LRT kesehodang mabosohan at matiyansingan pa sina Ate basta ang importante ay makapasok lang sa bagon para hindi ma-late sa pagpasok at pag-uwi mula sa eskuwelahan at kanilang trabaho.

Ayon kay Angeline Tham, ang 37-anyos na founder ng Angkas Biker app, naging popular agad ang Angkas sa hanay ng mga pasahero simula nang ilunsad niya ito noong 2016.

Sa katunayan ay nakapagtala na ito ng tatlong milyong downloads at mayroon na itong 27,000 rehistradong driver.

Partida pa aniya ito sa kabila ng dalawang beses na pagkakahinto ng kanilang operasyon dahil sa limang dekadang pag-iral ng batas na nagbabawal sa paggamit ng motorsiklo bilang public transport na peligroso umano para sa mga pasahero.

Noong Pebrero, inaprubahan ng Kongreso ang House Bill (HB) 8959 sa pangatlo at huling pagbasa upang gawing ligal ang paggamit ng ride-hailing app na Angkas at iba pang mga motorcycle taxi sa bansa.

Aamyendahan nito ang Repu­blic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code upang idagdag ang mga motorcycle-for-hire sa mga sasakyan na maaaring irehistro sa Land Transportation Office (LTO) na gagamitin bilang isang commercial vehicle na magdadala ng mga pasahero at mga produkto.

Ibig sabihin, kapag naisabatas na ang panukala ay malaya nang makakabiyahe ang Angkas, habal-habal at iba pang motorcycle taxi para magserbisyo sa mga Filipino commuter.

Aatasan din nito ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magtakda ng tamang presyo ng pamasahe at iba pang charge para sa mga motorcycle taxi.

Ang LTFRB at Department of Transportation (DOTr) din ang magpapasya kung saang mga ruta lamang maaaring bumiyahe ang mga motorcycles-for-hire.

Ayon kay Tam, hindi lang sa Metro Manila ginagamit ang mga motorcycle taxi upang iwasan ang buhul-buhol na traffic kundi pati na rin sa mga probinsya na hindi naaabot ng mga jeepney at bus at sa mga kalyeng hindi maaaring madaanan ng mga malalaking sasakyan.

Kaya naman hindi kataka-taka ng marami aniya ang nagreklamo nang ipagbawal ito. Sa ngayon, sinabi ni Tham na tumatakbo sila sa mga lansangan sa bisa ng temporary license pero umaasa sila na tuluyan itong magiging legal pag narepaso ang nasabing batas sa Disyembre.

Ibinunyag ni Tham na naisip niyang ilunsad ang Angkas noong 2016 matapos niyang maranasang maipit sa masikip na daloy ng trapiko sa Maynila sa loob ng anim na oras.

Nagkaroon siya ng ideya na mabilis na makalulusot sa trapiko ang mga motorsiklo dahil sa sukat nito.

Hindi rin aniya dapat maalarma ang mga pasahero dahil maingat ang mga Angkas Biker na mahigpit na sumusunod sa mga patakaran tulad ng paggamit ng helmet.

Dagdag ni Tham, karamihan sa kanilang biker ay sumailalim din sa dalawang training center na nag-aalok ng libreng driving course at pagtuturo ng mga batas sa lansangan.

“We’ve been able to maintain our safety record at 99.997 per cent. We’re even safer than condoms,” diin pa ni Tham na dating associate sa JPMorgan Chase & Co at vice president sa Softbank Group Corp venture capital fund.

Dahil dito ay hinahamon ni Tham ang South-east Asian ride-hailing giant na Grab sa sabayang pagbibigay ng ligtas na serbisyo sa mga pasahero. Nauna nang iginiit ng LTFRB na patuloy silang maninindigan na hindi dapat payagan ang Angkas na magsakay ng mga pasahero kahit pa rehistrado ang mga driver nito.