Dalawang senador ang nangako na magdo-donate ng kanilang plasma para sa research treatment ng coronavirus.
Tutugon sina Senators Sonny Angara at Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri sa panawagan ng Philippine General Hospital (PGH) sa mga COVID-19 survivors na mag-donate sila ng kanilang dugo para sa experimental treatment gamit ang convalescent plasma therapy.
Isa ang PGH sa referral hospital para sa nasabing virus sa bansa, at ayon dito, ang plasma ng mga survivors ay may anti-bodies sa COVID-19.
Ang nasabing experiment ay ginagawa rin sa China at South Korea para makahanap ng bakuna laban sa virus.
Samantala, tatlong survivors na ng coronavirus ang nag-donate ng kanilang plasma sa PGH nitong Abril 9, Araw ng Kagitingan.