Anak ni ‘Tarzan’ pinatay ang sariling ina

Nahaharap ngayon sa malaking trahedya ang buhay ng isa sa mga unang naging ‘Tarzan’ na si Ron Ely.

Kamakalawa, pinatay ang 62-anyos na misis ni Ely ng kanyang sariling anak na lalaki!

Nabaril at napatay naman ng mga pulis ang killer na anak ni Ely na kinilalang si Cameron, 30, psychology graduate sa Harvard University. Si Ely ay naging Tarzan noong 1966 hanggang 1968.

Bukod sa pagiging actor, si Ely ay isa ring novelist at dating professional football player.

Naging pangalawang asawa ni Ely ang Miss Florida USA 1981 na si Valerie Lundeen at nagkaroon sila ng dalawang anak na babae at isang lalaki na si Cameron.

Nitong nakaraang October 15, 2019, natagpuang patay at may mga saksak sa katawan ang misis ni Ely sa kanilang bahay sa eksklusibong Hope Ranch sa Santa Barbara Coast.

Nakatanggap umano ng 911 call ang mga awtoridad kung saan isang lalaki na pinaniniwalaang si Cameron ang nagsabing pinatay ng kanyang ama ang kanyang ina.

Pagdating ng mga pulis, nakita nilang patay na si Valerie at kinumpirma naman ni Ely na ang kanyang anak ang pumatay dito. Si Ely, 81, ay may medical condition at hindi na umano masyadong nakakapagsalita at nakakakilos pero kinumpirma nito ang pangyayari.

Nang makita ng mga nagrespondeng awtoridad si Cameron, nanlaban umano ito kaya binaril at napatay.