Alamin: Guidelines sa community quarantine laban COVID-19, inilabas ng DOTr

Opisyal nang inilabas ang mga panuntunan kaugnay sa implementasyon ng isang buwang community quarantine sa Metro Manila epektibo ngayong araw, Marso 15 bilang pagsugpo sa pagkalat ng coronavirus.

Ang guidelines ay inilabas ng Department of Transportation (DOTr) ay para sa ipatutupad na community quarantine at social distancing.

Alinsunod ito sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim ang buong National Capital Region (NCR) sa isang community quarantine para mapigilan ang pagkalat ng nakahahawang sakit.

“Kailangan nating pasanin ang bigat, indahin ang abala at sakripisyo para sa ikabubuti ng nakararami at ng ating bayan. Pansamantala lamang ang mga protokol na ito. Kung mas malalim ang ating kooperasyon, at taos-puso tayong mag-aambag ng ating makakaya, mas mabilis nating malalagpasan ang pagsubok na ito,” ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade.

General aviation flight kanselado Sa ilalim ng quarantine period, inanunsyo ng Aviation sector na wala munang general aviation flights sa loob ng Metro Manila.

Sa halip, ida-divert ang mga ito o pansamantalang ililipat sa Sangley Airport sa Cavite o Clark International Airport sa Pampanga.

Ngunit papayagan pa ring lumipad ang mga cargo flights; air ambulance na may lamang medical supplies; government/military flights; weather mitigation flights; at maintenance at utility flights. Airport to airport trip Para sa mga international flights, nilinaw ng Aviation sector na papayagan ang tinatawag na special airport-to-airport trips na maaaring gawin ng mga airlines, sa pakikipag-ugnayan sa airport authorities.

Hihikayatin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga lokal na airlines na mag-serbisyo ng sweeper flights palabas ng Maynila at sa iba pang mga paliparan.

1 meter social distancing sa paliparan ipatutupad din ng Aviation sector ang isang metro o one (1) meter social distancing measure para mapanatili ang sapat at ligtas na distansya ng mga pasahero sa bawat isa.

Magpapakalat ng signages o mga paalala ukol sa pagpapatupad nito na ilalagay sa iba’t-ibang lugar sa paliparan.

Paalala pa rin ng nasabing sector na tanging mga pasahero lamang at mga tauhan ng paliparan ang maaring pumasok at lumabas sa mga airport terminals.

Bawas sakay sa tren Sa Railway sector naman, sinabi ng pamunuan na magbabawas ang mga tren ng mga sakay nito para makontrol ang dami ng pasaherong sasakay.

Pamamahalaan ng mga train station personnel ang pagpasok ng mga pasahero sa mga istasyon at ipatutupad ang maayos na pagpila at wastong distansya sa loob at labas ng mga istasyon.

Hindi naman papayagang pumasok sa mga istasyon at tren ang sinumang pasahero na makikitaan ng sintomas ng COVID-19 o may temperaturang nasa 38’degrees centigrade pataas.

Alinsunod ito sa utos ng Department of Health (DOH). Senior nakahiwalay Paiigtingin pa ang pagbubukod sa mga babae at senior citizens sa loob ng tren.

Ngayon, magkakaroon na ng subsection para sa mga senior citizens o matatanda. PNR Alabang-Calamba suspendido Dagdag pa ng rail sector, suspendido rin muna ang biyahe ng PNR mula Alabang patungong Calamba at pabalik dahil na rin sa pagpapatupad ng community quarantine sa NCR.

TNVS 4 pasahero lang Sa Road sector, nagpaalala ang pamunuan na hindi dapat hihigit sa apat (4) na pasahero ang sakay ng mga Transportation Network Vehicle Services (TNVS), kasama na rito ang airport taxis.

Hindi rin muna papayagan ang multiple bookings na ipinatutupad ng mga TNVS, maging ang pilot implementation ng Motorcycle Taxis. UV Express limitado sa 6 pasahero; jeep 6-7 Para sa mga pampublikong sasakyan, ipatutupad ang passenger limit.

Sa mga UV Express, hindi dapat hihigit sa anim (6) na pasahero; para sa mga lumang unit ng Public Utility Jeepneys (PUJs) naman, hindi hihigit sa kalahati ng regular na kapasidad nito; habang sa mga unit naman na sumusunod sa Omnibus Franchising Guidelines (Class 2 and 3), hindi rin dapat susobra sa seating capacity nito at wala dapat na nakatayong pasahero.

Bus 25 lamang ang sakay Sa mga pampublikong bus, hindi dapat hihigit sa dalawampu’t-lima (25) ang mga pasahero, kasama na ang drayber at konduktor, at walang nakatayong pasahero.

Hindi papapasukin sa anumang terminal ang sinumang may sintomas ng COVID-19, gaya ng pagkakaroon ng temperaturang nasa 38 degrees centigrade o higit pa, may malalang ubo, o hirap sa paghinga.

ID rekesitos sa biyahe Pinapayuhan din ang mga drayber at konduktor na paalalahanan ang kanilang mga pasahero na magpakita ng isang valid ID kung saan nakasaad ang address ng kanilang pinagtatrabahuhan sa NCR at ng kanilang tirahan, batay na rin sa kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).

Samantala, tuloy pa rin ang operasyon ng mga Point-to-Point (P2P) na bus mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungong Clark International Airport at Sangley Airport ayon sa schedules nito.

Sa Maritime sector naman, ipatutupad ang mahigpit na quarantine procedures para sa mga tripulante o crew ng cargo vessels na nanggaling sa mga pantalan na apektado ng COVID-19 batay sa IATF Resolutions.

Hindi rin sila papayagang bumaba sa kanilang mga barko, ayon sa umiiral na guidelines.

Pantalan sa Metro sarado Suspendido rin ang galaw ng mga pasahero sa lahat ng pantalan na papasok at lalabas sa National Capital Region (NCR) habang ipinatutupad ang community quarantine.

Subalit, tuloy pa rin ang mga ferry service sa loob ng NCR, sa kondisyon na ipatutupad ang 50% na kabawasan sa kapasidad nito ayon sa panuntunan ng Maritime Industry Authority (MARINA).

Ang mga barko na regular na bumabiyahe sa mga ruta sa loob ng NCR ay papayagang dumaong sa mga pantalan sa labas ng Metro Manila. Kinakailangan lamang nilang magsumite ng aplikasyon sa MARINA ng kanilang Special Permit.

Cargo Entry/Withdrawal Permit iprisinta Binigyang-diin naman ng Maritime sector na hindi maaantala ang galawan ng mga cargo patungo at palabas ng NCR.

Lahat ng cargo trucks/vans papasok at palabas ng Port of Manila (South Harbor, MICT, North Harbor at Manila Harbor Center) ay kinakailangang kumuha ng Cargo Entry/Withdrawal Permit (CEWP) mula sa Philippine Ports Authority (PPA), na ipapakita sa mga itinalagang checkpoints.

Ipatutupad din ang “No Sail” o pagbabawal sa paglalayag sa mga sasakyang pandagat mula at patungo sa anumang pantalan sa Metro Manila, maliban na lamang sa foreign ships na kinakailangang dumaan sa CIQS procedures, mga domestic cargo, sasakyang pandagat sa pangingisda at government vessels o sasakyang pandagat ng pamahalaan, alinsunod sa panuntunan ng DOH.

Ipatutupad din ng maritime sector ang one-meter social distancing sa mga pantalan, terminal, onboard vessels, at mga watercraft. Panghuli, magtatalaga rin ng mga entry at exit controls ang sektor sa mga pantalan at iba pang maritime areas at karagatan na tinukoy ng Philippine Coast Guard (PCG).

Samantala, sasailalim ang guidelines na ito ng Kagawaran ng Transportasyon sa araw-araw na review o pagsusuri, at babaguhin kung kinakailangan.