Acel, handog ang bagong kanta na “Alaala”

Umaasa para sa mas magandang bukas ang acoustic pop artist na si Acel habang binabalikan ang nakaraan sa kanyang bagong single mula sa DNA Music na “Alaala.”

“Bilang musician, makapagpagaan sana at maalis ng kantang ‘to ang isip niyo mula sa mga negatibong bagay kahit sandali lang. Maalala rin sana natin ‘yung mga magagandang alaala natin kasama ang mga mahal natin sa buhay,” sabi ni Acel.

Isinulat ng dating band vocalist ang lyrics at musika ng “Alaala,” habang in-arrange at iprinodyus naman ito ni Jack Rufo. Inilabas na rin ni Acel ang music video ng kanta noong Mayo, na nagpapakita kung paano nakakaapekto ang mga alaala sa araw-araw na buhay ng isang tao.

Nagdaos naman ng online gig ang Kapamilya artist nitong buwan, kung saan naging guest niya sina Trisha Denise, Yeng Constantino, at Cooky Chua na sinamahan siyang ipagdiwang ang ika-25 anibersaryo niya sa music industry. May isang maswerteng fan din na nakasama bilang guest sa virtual event nang manalo siya sa “Sing Alaala Challenge.”

Noong 2019, naglabas ng bagong version si Acel ng “Your Universe” ni Rico Blanco, na sinundan ng orihinal niyang awitin na “Pitik Bulag,” tungkol sa kung paano palaging nananaig ang pag-ibig sa kabila ng mga hindi pagkakapareho ng magka-relasyon.

Bahagi siya ng mga artist sa ilalim ng DNA Music, isa sa mga record label ng ABS-CBN Music na naglalayong suportahan ang talento ng mga rock at alternative artist at palakasin ang industriya ng pagbabanda.

Hanapin ang pagtanggap sa iyong puso sa pamamagitan ng pag-alala sa nakaraan at pakinggan ang “Alaala” ni Acel sa ABS-CBN Star Music YouTube channel at sa iba’t ibang digital streaming services. Para sa updates, sundan ang DNA Music sa Facebook (https://www.facebook.com/dnamusicph) at Instagram (@dnamusicph).