500 Pinoy sa cruise ship mula Japan muling ika-quarantine

Pinoy Diamond PrincessSasailalim muli sa quarantine ang mga pasaherong sakay ng Diamond Princess cruise ship na nakadaong sa Yokohama, Japan dahil sa coronavirus (COVID-19) pagbalik sa Pilipinas.

Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) kahit tapos na bukas, Pebrero 19 ang dalawang linggong quarantine period sa lahat ng mga pasaherong sakay ng naturang cruise ship.

Paliwanag ni Health Public Health Services Team Asec. Maria Rosario Vergeire, pagbalik sa bansa ng mga Pinoy ay isasalang muli sila sa 14 araw na quarantine upang makatiyak na malinis sila sa COVID-19.

Bunsod nito ay pinaghahandaan na ng gobyerno ng Pilipinas ang gagawing repatriation sa mahigit 500 Pilipinong sakay ng nasabing barko kung saan ay 27 sa mga ito ay nagpositibo sa coronavirus.

Tiniyak naman ng DOH na hindi iuuwi ng Pinas ang mga Pinoy na nananatiling positibo sa COVID-19.