38 OFW na nawalan ng trabaho sa Saudi iniuwi sa Pinas

Dumating sa bansa nitong Huwebes, Nobyembre 14 ang may 38 overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia.

Ang grupo ng mga OFWs ay sinalubong sa Ninoy Aquino International Airport ni OWWA deputy administrator Mocha Uson.

Lulan ang mga OFW ng Kuwait Airways flight at pawang galing sa Riyadh at Jeddah.

Kasama ang 38 OFW sa hanay ng 80 Pinoy worker na nagtrabaho bilang visual merchandizer sa KSA pero sinibak matapos na tumangging magtrabaho bilang cleaners base sa kanilang Iqama o residence certificate.

Ayon sa mga OFWs dalawang buwan na silang stranded sa kanilang mga accomodation kaya matinding pagkagutom na ang kanilang dinanas bunsod ng kawalan ng hanapbuhay.

Nasaklolohan ang mga OFWs matapos na makontak ng mga ito si OWWA case officer in Manila Al Sattar Sultan na siya namang nakipag-ugnayan sa recruiter na nagpadala sa kanila sa Saudi.

Katuwang ang Philippine Overseas Labor Office-OWWA officials sa Riyadh sa pangunguna ni Labat Nasser Mustafa at tinulungan ang mga OFWs na maiuwi ng bansa.

Ang bawat dumating na OFWs ay tumanggap ng tig-P20,000 mula sa OWWA.