3 PUP grad top 10 sa Civil engineering board exam

Muli na namang nagpakitang gilas ang mga graduate ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa pinakabagong resultang inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC) sa Civil Engineering licensure examination.

Ito ay matapos na pumasok sa top 10 ang tatlong graduate ng PUP na kumuha ng exam ngayong buwan ng Nobyembre.

Nag-top 2 ang graduate ng PUP-Lopez (Quezon) na si Jeremy Recinto Rifareal na nakakuha ng markang 93.10 mas mababa lamang ng .15 sa nag-top 1 na graduate ng University of San Carlos na si Lou Mervin Tristan Pua Mahilum na may iskor na 93.25.

Ang isa pang PUP graduate na mula naman sa Sta. Mesa branch na pasok sa top 10 ay si Chris Andrei Andres Villanueva, top 7 ay may iskor na 91.65 habang ang pangatlong PUP grad na nasa top 10 ay si Mark Joseph de Castro Ramos, top 9 ng PUP-Sta. Maria Bulacan may iskor na 91.55.

Matatandaang sa mga nakalipas na licensure exam na inilabas ng PRC ay nagpakitang-gilas din ang mga produkto ng PUP matapos na makipagsikuhan sa top 10 sa ilang kilalang mga unibersidad at kolehiyo sa bansa.