Patay ang dalawang Pinoy worker habang anim na iba pa ang sugatan sa nangyaring pagsabog sa Port of Beirut sa Lebanon.
Ito ang kinumpirma ngayong araw ng Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay ng ulat na tinanggap mula sa Philippine Embassy sa Beirut.
“The Philippine Embassy is in touch with the Filipino community in Lebanon to assess the situation and provide assistance to any affected Filipinos,” ayon sa inilabas na pahayag ng DFA.
Ayon pa sa embahada posibleng mas marami pang Pinoy ang nasugatan dahil sa malakas na pagsabog na nangyari sa Beirut nitong Martes, Agosto 4.
“As of now, anim pa lang ang nacoconfirm namin na sugatan, pero marahil po mas marami pa ang sugatan na hindi pa namin nacontact,” ani Charge D’ Affaires Ajeet-Victor Panemanglor sa panamyam sa ABS-CBN Teleradyo.
“Yung pagsabog po ay nangyari sa port, pero medyo malawak po ‘yung naging impact ng shockwave. Kahit kami sa embassy na medyo nasa labas ng Beirut, naramdaman namin ‘yung shockwave, so baka po may mga nadamay sa mga gumuhong gusali,” dagdag nito.
Sa pinakahuling ulat ng Lebanon health ministry nasa 73 ang nasawi at 3,700 ang sugatan dahil sa pagsabog na nagmula sa 2,750 tonelda ng agricultural fertilizer ammonium nitrate.