15 OFW sa Roma naaksidente, mga opisyal ng embahada dedma

Nananawagan sa mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Roma ang Filipino community para saklolohan ang 15 Pinoy worker na naaksidente.

Sa 15 sugatan sa aksidente, walo ayon kay Benette Ramirez ang malubha ang kalagayan.

Sa Facebook post ni Benette, sinabi niyang isa sa mga nasa malubhang kalagayan ay nakatakdang operahan sa Santo Spirito Hospital sa Roma.

Sinabi pa ni Benette na ipinagbigay-alam naman nila ang pangyayari sa embahada pero wala pa rin itong aksyon.

Narito ang bahagi ng panawagan ni Ramirez sa mga opisyal ng embahada ng Pilipinas.

“Nasaan na ang mga kinatawan ng embahada ng Pilipinas dito sa Roma dahil nitong isang araw ay 15 ang nasugatan sa isang aksidente ng bus na kung saan ay 8 ang grabe… bakit walang alalay o pagsuporta naman mula sa gobyerno ng Pilipinas???

Mga OFW sila at saka sa kaso nitong si HANNAH BONDOC na nasagasaan noong Hulyo 31 ay bakit kaming mga volunteer pa ang gumawa ng paraan para mapapunta dito ang nanay ng biktima… nasaan na kayo?

Kapag may party at kainan ay nandoon kayo… nasaan na kayo kapag may mga malubhang sakuna na ito?

GISING… GISING DIN MGA MGA KINATAWAN NG EMBAHADA NG PILIPINAS DITO SA ROMA.

“Dati sa ganitong sakuna ay nandiyan na agad ang rapresentante ng embahada ng Pilipinas, tulad noong panahon ni Labatt Manuel Campasas Roldan at Labatt Ponciano Ligutom… ngayon NASAAN NA PO KAYO? kahit man lamang moral support doon sa mga Pinoy na nasugatan,” hirit pa ni Ramirez sa kanyang FB page.