14th month bonus isinulong ng ACT-CIS

Isinulong sa Kongreso ng ACT-CIS partylist ang panukalang batas na magbibigay ng 14th Month pay sa lahat ng empleyado, pribado man at sa gobyerno.

Ayon kay ACT-CIS Cong. Eric Yap, panahon na para bigyan ng dagdag na bonus ang lahat ng empleyado sa bansa.

ACT-CIS Eric Yap

Ani Cong. Yap, ang 13th month pay ay noong panahon pa ng dating Pangulong Marcos naisabatas kaya kailangan na ang 14th month ng mga manggagawa.

“Simula sa term ni ex-president Cory hanggang kay Noynoy Aquino ay wala ng natikman na dagdag na bonus ang mga manggagawa” ani Yap.

Paliwanag ng mambabatas, kailangan lamang na mag-allocate ang Congress ng pondo para sa mga empleyado sa gobyerno habang ang mga pribadong manggagawa ay kaya namang ibigay ng kanilang mga employer kung gugustuhin ng mga ito.

“Negosyante ako noon kaya alam ko na kakayanin ng mga kumpanya na magbigay bonus kung gugustuhin talaga nila” pahayag pa ni Cong. Yap.

Sinabi pa ni Yap, kapag pumasa ang kanyang panukala na 14th month ay magiging Chistmass bonus habang ang 13th month ay ibibigay bago ang enrollment ng mga estudyante sa Mayo.