GULANTANG tiyak ang publiko sa biglaang pagbabago ng direktiba sa physical distancing. Wala pang isang linggo ay bumawi ang Department of Transportation (DOTR) ang pasimuno sa pagpapatupad ng mas maiksing distansiya sa mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.
Inatras ng DOTR ang naunang direktiba na dapat epektibo noong Setyembre 14 ay 0.75 metro na lamang ang layo ng mga pasahero sa isa’t isa.
Sa origihinal na plano ay paiksi na nang paiksi ang magiging distansya ng mga pasahero.
Ang hakbang ay ginawa sa layong manumbalik ang ekonomiya ng bansa na lumalamlan na dulot ng pandemya.
Pero kahapon, Setyembre 16 ay bumawi ang DOTR at sinabing ibalik na sa isang metro ang distansiya sa mga pasahero.
Ang pagbawi ay kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos umanong mapagkasunduan sa pulong ng IATF.
“Sinabi po ni DOTr Sec. Tugade na pansamantalang isususpinde ang 0.75 meter physical distancing at ibabalik sa 1 meter.Balik 1 meter muna tayo sa physical distancing sa pampublikong transportasyon habang wala pang desisyon ang Presidente kung ito nga po ay pwedeng maibaba sa 0.75,” bahagi ng pahayag ni Roque.